06 October 2008

Antok Moments



Kahit anong gawin ko, hindi ko pa rin mapigilan ang aking kaantukan sa araw na ito. Ewan ko ba kung bakit? Hindi naman maulan kung saan magiging malamig ang klima at talagang matutukso kang matulog. Tinanghali na n ga akong magising kanina, kahit na narinig ko na ang alarm clock ng kapatid ko. Hindi ko lang maimulat ang mga mata ko, at para bang hinang hina pa ako. Nakatulog ako uli at paggising ko, tirik na ang araw. Tinatamaan na ako ng mga sinag nito kahit nakasara naman ang kurtina sa aking kwarto. Halos hindi ko talaga maibangon ang aking katawan sa labis kong katamaran. Pero pinilit ko na lang.


Pagkatapos kong kumain ng almusal, wala pa rin talaga akong lakas para kumilos. Marami akong dapat ayusin ngayon. Una, ang mga damit ko, mukha na namang pinaglabanan ng kung ano ang aking cabinet. Kelangan ko na rin magbawas ng damit na hindi ko naman masyadong sinusuot, ipa-repair ang mga dapat i-repair at ipamigay ang mga iba sa kawang gawa. Inayos ko na rin ang mga dapat kong dalhin (kung sakali).


Pero, talagang wala akong sa mood. Parang may magnet ang kama ko at talagang hinihila ako pabalik sa kanyang piling. Nakatulog ako uli. Isang maikling idlip. Bumaba ako uli upang magtanghalian. Parang pinababa ko lang ang kinain ko at nagawa kong matulog uli. Lagpak na naman sa kama. Pinilit ko na ngang manuod ng TV pero wa epek ito. Talagang nais kong mahimlay at mahimbing. Mga 2 oras pala akong nakatulog ngayong hapon. Hindi pa nga ako magigising kung hindi ako nakaramdam ng init. Brownout pala! Kamusta naman. Mabigat pa rin ang katawan ko ng ako’y bumangon. Walang nangyari sa aking maghapon. Lunes na lunes pa naman. Naligo ako para naman magising ang dugo ko (at sana pati ang aking kaluluwa).



No comments: