Tanghaling tapat, matindi ang sikat ng araw. Mula sa Sucat, naisipan ko nang pumunta na rin noon sa may Tomas Morato. Baka kasi tamarin pa akong lumabas uli kung ipagpapabukas ko pa. Para isang lakad na rin lahat at isang pagod na. Shit! 12:00pm na pala, pero hindi ko na rin maramdaman ang gutom sa sobrang init. Isa pa, maraming bagay din ang naglalaro sa isip ko kaya hindi ko na naintindi pa na may sikmura pala akong dapat lamnan. Nakatayo ako sa may tapat ng simbahan ng Quiapo. Nag aabang ng jeep, bus, fx o kahit anung sasakyang may sign board na Fairview. Ewan ko ba kung may balat ako sa puwet dahil alin man sa tatlo e walang dumadaan. Anak nang!!! Pawisan na ako a? Iniisip kong di ako aabot ng 1pm sa pupuntahan ko. Badtrip! Asar!Hay!!! May nakasabay akong matandang lalakeng nag aabang din. Maraming dala si manong. At mukhang hirap ding mag abang ng sasakyan. Kaya chinika ko muna. Tinanong ko kung tama ba naman ang lugar na pinaghihintayan ko ng sasakyan. Dahil nakatuon ang atensyon ko sa pag aabang ng sasakyan. At pakikipag chika kay manong. Hindi ko namamalayan ang mga tao sa aking kapaligiran.
Bigla na lang may lumapit sa akin. Ipinatong sa aking braso ang isang SCAPULAR. Lagot! Nayari na! Alam ko na ang mga modus operandi na ito. Bigla bigla na lang may magsasabit o may mag aabot sayo ng kung anung mga kwintas at mga larawan ng mga banal o medalyon. Pagkatapos ay pipilitin ka nilang bayaran yun sa murang halaga. Talagang mapapaMURA ka!!! Ang kaso nito,sakto na lang ang pera kong pamasahe. Aang alam ko wala na akong barya nun. May buo pa akong Ninoy na dapat sana e pang lunch ko. E kaso nga di naman ako naglunch. Shit! Makulet pa naman yung batang nagbigay sa akin ng scapular na 'to. Paano na yan?!?! Pilit kong binabalik dun sa bata yung scapular, pero syempre di na nya yun kukunin uli. Halos yakapin na nya ako para wag ko nang maibalik sa kanya yun. At lahat na ata nang pambobola ay sinabi nya para makabenta.
"Sige na po, 20 pesos lang po yan! Gagabayan po kayo nyan kung saan man kayo magpunta." Halos nagdaanan na ata ang lahat ng sasakyang may signboard na Fairview. At di naman ako makaalis dahil sa higpit ng hawak nung bata sa akin. Ok, para tapos na, inilabas ko na ang bente. Wag sanang may mahulog na kahit piso dahil yari ako. Hindi ko naman pwedeng ibayad ang 500 sa jeep dahil mamumura ako ng manong driver. Hay... Sa wakas e binitawan na din ako nung bata at saktong may dumaan namang FX.
Halos mag aalasais na ko nakauwi sa Caloocan non. Nakakapagod ang byahe. Mula Sucat tapos Quezon City. At tapos Caloocan naman. Mas nauuhaw ako kesa sa nagugutom. Kaya isang malamig na basong tubig kaagad ako pagkauwi. Solve na. Paalis noon ang tita ko kaya naiwan na naman ako sa bahay nila. Humilata muna ako sa sofa. Nuod ng T.V. Nakakaantok din. Naisipan ko nang magpalit ng damit na pambahay. Huhubarin ko na ang aking pantalong nadikitan pa pala ng chewing gum sa laylayan. Nang maalala ko ang mga laman ng aking bulsa. Sa kaliwa ang cellphone...sa kanan ang pera, mga coins,..teka meron pa pala sa kaliwa. Ah!!! Ang mahiwagang scapular nung bata. Tinago ko ang scapular sa bag kung saan naroon din ang aking rosary at iba pang mga kabanalbanalang gamit sa mga ritwal.
May ilang araw na rin ang nagdaan. At nasa akin pa rin ang scapular. Palagi ko na rin tuloy iyong dinadala sa tuwing aalis ako at may pupuntahang malayo. Ewan ko ba pero parang naging totoo ang sinabi nung bata na naging silbing gabay ko na nga ang mahiwagang scapular na yon.
No comments:
Post a Comment