27 November 2007

Malubhang Karamdaman

Kanina pag-gising ko, may bagong pasa (bruise) na naman ako sa braso. Sa totoo lang hindi na yun bago sa akin. Karaniwan lang na makikita kong may mga pasa ako sa braso, binti at hita ko. Hindi ko alam kung san ko sila nakukuha. Wala naman akong nararamdamang masakit. Basta makikita ko meron na. At tulad nga ng nasabi ko, hindi na ako nag-aalala pa dito. Yun na nga lang, pinoproblema ko na lang e kung paano ko ito itatago sa nanay ko. Lalo na kapag sa braso, asar pa don... medyo malalaki rin ang nagiging pasa ko.

Natural lang sa nanay ang mag-alala. Natatakot sya baka daw anong meron sa akin. May sakit nga ba ako? Hmmm, masamang damo, matagal mamatay. hehehe... Wala lang naman 'to.Panic lang palagi yang si mommy. Ang alam ko anemic ako. At talagang bata pa lang ako hindi na ko HEALTHY. Isa akong LAMPAYATOT. Hmm, napapaisip tuloy ako bigla ngayon? Naka-tatlong pasa na pala agad ako? Sa loob ng isang linggo may average na 4 na pasa ang nakukuha ko. Ayos ah?

Kung sa bagay, may ilang araw na rin akong walang energy. Nanghihina talaga ako at palaging walang ganang kumain. Hala!!! may sakit ako?!!?! hehehe,. Sa tingin ko, SOBRANG STRESS lang talaga ako ngayon! DAMN IT! Sino bang hindi ma-stress sa buhay na 'to! Sabi nga ni Ulang sa kwento ni Bob Ong, .. "ang hirap gumawa ng wala". Tama naman e, ni hindi mo nga malaman kung kelan matatapos. Ang hirap mag-isip ng wala kang iisipin. Ang hirap mag-plano ng hindi mo alam kung ano ang dapat mong simulan. Grrrrrrrrrrrrrrrr! Nakakainis di ba?

Sabi ng nanay ko, magpacheck-up daw ako. E, ayoko nga! Ayokong marinig ang sasabihin ng doktor e. Isa pa, wala naman talaga akong nararamdaman. Yung sumpong ng tyan ko, alam ko na yon. May gamot na ko para don. Etong mga pasa,.. nawawala rin naman ng kusa yang mga yan. Nothing to worry. hehehehe...

Sa isang araw... mababatukan na ko ng nanay ko! hehe. Ang tigas daw kasi ng ulo ko.

21 November 2007

Bukas Kung Mamamatay Ako


Kung bukas at mamatay ako,
ano kaya ang mangyayari?

Sisikat kaya muli ang araw sa silangan?
O bubuhos ang malakas na ulan?
Sana bumuhos na nga lang ang ulan,
Kahit man lamang ang ulan
ay lumuha sa akin,
kung sakaling walang umiyak
para sa akin.


May mag-aalay kaya
ng bulaklak sa akin?
Sana kahit isang rosas man lang,
para naman kahit sa huling sandali
makatanggap man lang ako ng bulaklak.

Sino-sino kaya ang pupunta sa lamay?
Upang magpuyat
at magbantay sa akin?
Sino-sino kaya ang iiyak?
Kani-kanino kayang luha
ang papatak sa aking kabaong?


Ano kaya ang kantang tutugtugin
sa aking libing?
Meron kayang mahihimatay?
Sino ang huling magtatapon ng bulaklak?
Saan kaya ako ililibing?
Sino kaya ang hindi makakatulog
sa unang gabi kapag ako'y wala na?

Sino ang unang magpapamisasa
aking kaluluwa?
Ano kaya ang pakiramdam
kapag patay na?
Makikita ko kaya si Daddy?
Makikita ko kaya ang
ibang pumanaw na rin?

Ang tanong?
Kung saan ako mapupunta?
Sa langit?
Sa impyerno?
Sigurado sa impyerno.
Gaano kaya kainit don?
Ano kaya ang parusa ko?
Patay na ko,
pero maghihirap pa rin.
Hanggang kailan kaya?

Kung bukas mamamatay ako...
Matatapos na kaya
ang kalungkutan ko?
Siguro hindi...
ganun pa rin.



Kung bukas mamamatay ako...
Lumuluha pa rin ako,
Pero mabuti na rin siguro
na lisanin ang mundong ito.

Baka sakaling sa kabilang mundo
Doon ko makita ang hinahanap ko
Isipin na nating nasa impyerno na ako,
Kahit nahihirapan ayos lang...

Kung bukas mamamatay ako...
Sino kaya ang kasabay kong mamatay?
Sino kaya ang makakasama ko?
Sino kaya ang makakausap ko don?

Kung bukas mamamatay ako...
Mamamatay din kaya siya?
Sana oo,Sana mamatay din sya...
Ngunit paano kung mamatay nga sya?
At sa langit sya napunta
Hindi ko rin sya makakasama
Hindi ko rin sya makikita
Sana pareho kami ng pupuntahan
Para makasama ko na siya
Sana hawakan na niya ang kamay ko
At di na muling bibitawan pa

Kung bukas mamamatay ako...
Mamamatay rin sya...
Sa kabilang buhay siguro
Kami ang para sa isa't-isa




18 November 2007

EWAN


Pagkatapos ng mahabang panahon, ngayon lang ako nagkaroon ng lakas ng loob na tanungin sya uli... Natatakot ako at kinakabahan. Pero talagang kailangan ko nang malaman. Para bang kaharap ko si Kris Aquino at tinatanong nya ako if it is DEAL or NO DEAL. Hay..... Syempre, deal na ito. Nanginginig na ang boses ko at nahalata naman nya agad 'yon. Shit! Emote na 'to. Pero DEAL na ang napili ko kaya tinanong ko na sya. Iniisip ko ang isasagot nya. Nakahanda ang tenga kong marinig ang salitang HINDI. Hanggang sa sinabi nya na "EWAN". Ano? EWAN?!!!?!!! Di ko alam kung dapat ba akong matuwa o maging kalmado lang sa salita nya. Hay! Teya... Cool ka lang... Relax... Pero ano nga ba ang ibig nyang sabihin sa EWAN.?!?!


EWAN...

-sagot ng mga hindi sigurado.
-sagot ng mga nag-aalinlangan.
-sagot ng nagkukunyaring may alam.
-sagot ng mga "playsafe".
-sagot na neutral lang.


Inakala kong mas malilinawan ako. Pero, mas lalo lang gumulo. Anak ng tofu! Lalo lang nyang ginawang KOMPLIKADO ang buhay kong complicated. (hehehe) Ang totoo, napaiyak na talaga ako. Masakit kasi. OUCH talaga! Hirap na rin syang magpaliwanag para tumahan ako. Kung may magagawa lang ba sya. Hindi na sana nangyari pa 'yon.

Hindi ko na matandaan ang sumunod na nangyari. Nakita ko ang sarili kong nakahiga sa kama. (ooopss! sa kama ko po at nakadamit ako no?) Malalim ang iniisip. Tatlong taon na mula nung nagkakilala kami. At hanggang ngayon, iisa lang ang problema namin. Bakit ba ganon? Wala kaming magawa dito. Sya ang unang lalakeng minahal ko at mahal pa hanggang ngayon. Ako, ako ang babaeng hindi nya makalimutan sa buong buhay nya. Kahit na ilang beses naming putulin ang mga bagay na nag-uugnay sa amin. Pilit pa rin kaming pinagtatagpo. Pinagtatagpo,. para paghiwalayin. Ang hindi ko maintindihan, bakit ba kailangan pang mangyari ang mga bagay na yon? Nasasaktan lang lalo ang isa't isa.

Mukhang tama sya. EWAN nga. Dahil kahit ako, hindi ko alam kung ano ang kahihinatnan ng buhay naming dalawa. Minsan, gusto ko na ring tanggaping hindi talaga kami para sa isa't isa. Siguro nga. Nanghihina pa ako sa nangyari. Kanina lang yon.

EWAN ko, . hindi ko alam,. bukas.,. sa isang araw,.,kung magkikita pa ba kami at magkakasama uli. EWAN ko kung kelan ko sya makakalimutan. EWAN ko kung kelan sya magkakameron ng lakas ng loob. EWAN ko... )-;

17 October 2007

kelan matatapos?

Naranasan mo na ba? Yung pakiramdam na,.. buhay ka nga pero para ka namang patay? Gumagalaw ka at humihinga, pero parang wala pa rin kwenta at parang wala ka pa ring silbi? Lumilipas sayo ang panahon,.tumatakbo ang oras,. pero ikaw hindi. Para bang nailibing ka na,. yun nga lang, naiwan yung katawan mo. Mahirap intindihin ang lahat ng mga sinasabi ko ngayon. Dahil hindi mo sasabing alam mo ang lahat hanggat hindi mo pa rin yun nararanasan sa sarili mo. Hindi ko na nga rin mabilang kung ilang beses kong pinagdasal sa gabi bago ako matulog na sana hindi na ako magising kinabukasan. Kaya lang,. nagigising pa rin ako sa sikat ng araw sa umaga. Ano nga kaya ang kulang sa buhay ko na hindi ko pa rin makita hanggang ngayon dahil hindi ko naman alam talaga kung ano yun?

tayo nang mag-cramming!!!!!!!

Hay!!!!!!!!! pagod na ko. At di na rin gumagana pa ang isip ko. Pano na 'yan? Kailangan ko ng gumawa ng article? Pero, wala na akong maisip. Eto ang mahirap minsan sa pagsusulat, kung kelan kailangan saka ka nawawalan ng idea. Minsan sobrang daming naglalaro sa isip mo at hindi mo naman alam ang uunahin mo. Grabe! Isip, isip, isip, isip, isip!!!!!!!!

12 October 2007

walang iwanan

Bakit sa tuwing iiwan mo ang isang tao, napakasakit nito? Kahit pa alam mong ito ang makakabuti para sa inyong dalawa. Para bang hindi mo na alam ang mga susunod na mangyayari sa buhay mo bukas, sa isang araw, sa isang linggo at sa mga susunod pa kung wala sya. Ang totoo nyan hindi ko na nga mabilang kung ilang eksena na rin nang pagpapaalam ang na nakita ko at nagawa. Sa ibang bansa nagtratrabaho ang nanay ko, kaya mahirap yung palagi mo syang nakikitang umaalis na minsan hindi mo alam kung kelan kayo magkikita uli o magkikita pa ba kayo. Ang hirap nun kung kelan sanay kana na andyan sya at napalapit na ang loob mo. Isang araw, aalis na pala sya. Ulit, kailangan mong masanay sa sitwasyon.Pagbalik nya iba na uli ang takbo ng buhay mo kasi nasanay ka na din ng wala sya. Sa pagbabalik nya, mangangapa ka na naman uli. Kahit pa ba nanay ko yun, syempre marami na ding nagbago.Lalo pa kung ilang taon din syang nawala.

Minsan nga dumating ang oras na para bang lahat na lang ng tao sa paligid ko ay umaalis. At ako, naiiwang mag isa. May mga kanya kanya na ring buhay silang dapat puntahan. Hindi ko naman sila maaring pigilan dahil isa yon sa mga desisyon nila. Katulad na lang nung umalis ang kapatid ko. Hindi naman kami malambing sa isat isa pero kahit papaano nakakalungkot din ang wala sya dito. Halos 2 taon na ring syang wala sa Pilipinas.

Ilang mga kaibigan ko na rin ang umalis ng bansa. At nakakamiss pala. Totoong kapag wala na nga ang isang tao o bagay ay saka mo malalaman ang halaga ng mga ito.

Pero paano na lang kung yung umalis ay hindi na talaga babalik pa kahit kelan??? Katulad na lang ng tatay at lola ko nung namatay na sila. 7 taon nang patay ang tatay ko. Ang masakit nun ay wala ako nung namatay sya. Hindi ko man lang sya nakausap. Sa kaso naman ng lola ko, hindi pa kami nakakapagbabang luksa. Medyo sariwa pa. Pero ganito ang buhay sa ibabaw ng lupa. Makikita mong unti unting nawawala ang mga mahal mo. Lumilisan sila. At wala nang balikan pa.
Bahagi lamang ng buhay ng tao ang maiwanan. Ang masakit nga lang kung ang paglisan ay panghabang buhay na. Sa ganitong pagkakataon masusubok talaga ang tibay ng iyong loob. Masakit ang maiwan. Hindi iyon kailanman maganda sa pakiramdam. Pero ito ang realidad ng buhay. Araw araw, marami kang makikilang tao. Maaari silang mapalapit sa loob mo. Ngunit darating din ang araw na magkakahiwalay kayo sa ayaw at sa gusto mo. Ngunit hindi dapat tayo matakot kung sakali mang dumating ang araw na iyon. Dahil sa bawat araw at oras na kasama natin sila ay nasa atin ang lahat ng pagkakataong ipakita sa kanila kung gaano sila kahalaga.

05 October 2007

siguro nga tapos na

>isinulat ko ito kasabay ng unang ulan ng Mayo, at ayon sa mga matatanda, gamot daw ang tubig dito. hmmm. , ewan ko lang din pero isa rin yung pamahiin.<



Siguro nga tapos na…

Noong isang linggo ko pa napansin, malimit ng umuulan. Kung sa bagay, medyo hindi na rin naman maganda ang idinudulot ng sobrang init lalo na sa akin.

Siguro nga tapos na…

Siguro nga tapos na ang tag-init. Ngunit para sa akin, maraming bagay ang natapos kasabay nito. Maraming bagay ang naglaho hindi lamang ang matinding init ng araw. Hay… Eto na ang ulan. Bata pa lang ako mas gusto ko ang tag-ulan. Bakit??? Ewan ko, basta gusto ko lang. Malamig, masarap kumain,masarap matulog, masarap tumambay sa bahay, manuod ng t.v. , mag-relax, magbasa, magsulat… katulad ngayon. At syempre pa kahit gawin ko ang mga bagay na ito, hindi sasakit ang ulo ko.

Pinagmamasdan ko ang bawat pagpatak ng ulan.Naalala ko ang madalas kung kantahin nung bata pa ako kapag naulan.

“Kung ang ulan ay parang tsokolate,
o anung sarap ng ulan…
Ako’y lalabas at ako’y sisigaw…
ahhhhhhhhhhhhhhhhhh…”

Pero, maalat ang ulan… hindi ito kasing sarap ng tsokolate.Minsan nga mapait pa ito. Dahil ang ulan palang ‘yon ang ay mga luha. Bakit??? Wala naman, masarap ding magsenti kapag naulan.

Siguro nga tapos na… Malaya na ako. Pero masaya ba ako? Masaya naman… inihanda ko na ang sarili ko dito. Alam ko naming mangyayari din ito. Ang totoo nga nyan, ilang ulit na itong nangyari. At sa pagkakataong ito, siguro nga tapos na. Wala na akong dapat pang ikabahala. Dapat kong harapin kung anuman ang darating… nang wala sya.

Siguro nga tapos na… Wala na rin akong paliwanag na dapat pang hingiin sa kanya. Hindi ko na kailangan ang mga dahilan. Dahil wala naman akong karapatan.

Siguro nga tapos na… Hindi na rin ako nakapagpaalam pa. Ang maliwanag na kalangitan ay bigla na lang nabalot ng dilim, tapos umulan, kumulog, kumidlat… Hindi ko na nagawang magsalita at magtanong. Hindi man lang ako nakaimik at kumibo. Hinayaan kong matangay ako ng malakas na agos…

Siguro nga tapos na… Wala na akong magagawa pa. Hindi ko na maibabalik ang bawat pagkakataong sinayang ko. Ilang buwan ding magtatagal ang tag-ulan. Wala man lang akong payong na masusukuban. Pero hayaan na kahit mabasa ako, ayos lang. Darating din naman uli ang tag-init. Sisikat din naman uli ang araw. Sa ngayon, tititigan ko muna ang madilim na kalangitan. Sisikaping hanapin ang liwanag ng mag-isa.

Siguro nga tapos na…