Dahil sa labis kong dinaramdam, hindi na muling kinaya ng aking sistema ang lahat. Heto ako ngayon at mukhang lantang gulay na naman. Umiinit na ang aking likuran sa labis na paghiga sa aking kama kaya’t naisipan kong bumagon at gumawa ng bagay na hindi rin naman gaanong kapakipakinabang. Maraming bagay muli ang naglalaro sa aking isip.Kung kaya’t naisipang kong isulat na ang lahat ng ito bago pa ako atakihin ng aking pagkalimot.
Magdadalawang linggo na muli nang mangyari ang hindi kaaya ayang pangyayari sa aking buhay. Alam kong hindi pa tapos ang lahat at nagsisimula pa lamang akong muli sa aking pagbangon. Pero, bahagya na akong nabunutan ng tinik sa aking dibdib ng ipagtapat ko na sa aking ina ang totoong sitwasyong kinasasangkutan ko. At syempre, dahil sa ako ang paboritong anak ng aking ina. Balewala lang yon. Naks! Hehehe. Alam na nyang may dinaramdam ako, hinihintay nya lang ang aking pagtatapat. Ang totoo nyan ay sa simula pa lang ay sasabihin ko na iyon sa kanya, pero para akong pinipigilan ng pagkakaton. Alam kong may problema pa sya noon kay ate. Mas matindi naman yon kaya hindi na ako nakisabay pa. Alam ko namang malulusutan ko rin ang isang ito. Nung ikalawang pagkakataong nais ko nang magtapat, ang kapatid ko namang bunso ang umeksena. Iyon ang dahilan kung bakit inabot pa ng ganung katagal bago ko sabihin ang totoo sa kanya.
Minsan, hindi ko na alam kung paano ko masusuklian ang pagmamahal sa amin ng nanay ko. Sa dami nang pinagdaanan nya at tiniis para sa amin. Pero katulad ng sitwasyong ito kung saan lahat kaming tatlo ay sunod sunod na nagkaroon ng problema. Hindi ko alam kung saan pa sya humihingi ng lakas ng loob para sa amin. Wala na si lola para hingian nya ng payo, pati na rin ang tatay ko. Alam kong mas mahirap ang sitwasyon nya kesa sa aming mga anak nya, pero kelangan nyang maging matapang para sa amin.
Pinilit kong maging matapang. Pinilit kong maging matatag. Pinilit kong kayanin at tiisin ang lahat. Pero kahapon, sumuko din ako at hindi ko na kinaya. Hindi lang ang kalooban ko ang bumigay, maging ang katawan at isip ko na rin. At eto na nga, bumalik ako sa aking ina at tinanggap nya ako uli.
Kagabi, halos hindi ako makatulog. Iniisip ko pa rin ang mga problema ko, dahil hindi pa naman ito tapos. Pansamantalang tinakasan ko lang ang mga ito habang nagpapagaling ako.Parang mahahati na ang ulo ko sa sakit. Ang masama pa nito, lumalala ang sikmura ko kapag may ganitong pangyayari. Hindi ko nga maintindihan kung bakit parang lahat na lang ay masakit sa akin kagabi. Maaga akong nahiga at nagpahinga, pero hindi pa rin matahimik ang aking kaluluwa. Nais ko sanang bumagon at tumabi sa nanay ko, pero wala na rin akong lakas para tumayo. Alam kong napuntahan na nya ako sa kwarto dahil napatay na nya ang mga ilaw.
Sa inaakala kong kaya ko na ang lahat, pwes… nagkakamali pa rin ako. Dahil mahina pa rin pala ako. Sa edad kong ito ay kinailangan ko pa rin ang nanay ko. At napakaswerte ko naman dahil palagi pa rin syang nariyan para sa akin. Habang sinusulat ko ito ay nagluluto sya ng pagkain para sa akin. Nagpaluto ako ng sopas.Dahil pakiramdam ko e sabaw lang ang gusto at kaya nang hudas kong sikmura.Gusto nya akong magpunta sa doktor ngayon, pero ayokong munang marinig ang sermon ng doktor ko sa akin sa mga ganitong pagkakataon.
1 comment:
tama nga...khit gaano pa karami ang mga failures at pagkakamali..nanjan p din ang pamilya...ang mahalaga hindi ka sumusuko...magaling ka in your own way....may mga pagkakataon lng talaga na minsan malas..
Post a Comment